Published September 23, 2021 | Version v1
Journal article Open

PAGSUSURING PANGNILALAMAN SA NOBELANG TOTO O. NI CHARMAINE LASAR

  • 1. Kolehiyo ng Edukasyong Pangguro,Pambansang Pamantasan ng Batangas

Description

Nilayon ng pananaliksik na ito na suriin ang nilalaman ng nobelang Toto O. na isinulat ni Charmaine Lasar at nagtamo ng unang gantimpala sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature sa larang ng nobela. Sa pananaliksik, inilarawan ang pamagat at tema ng nobela, sinuri ang mga tauhan, mga simbolo at ang banghay. Matapos maisagawa ang pagsusuri, bumuo ang mga mananaliksik ng elektronikong kagamitang panturo na makatutulong sa mga guro at mag-aaral upang mas maunawaan ang nilalaman ng nobela. Pagsusuring pangnilalaman at palarawang ang ginamit sa pananaliksik. Ginamit na batayan sa pagsusuri ang teoryang humanismo, realismo, sikolohikal at pormalismo. Napatunayan sa pananaliksik na simple at maikli ang pamagat subalit nakapukaw ng interes ng mga mambabasa dahil sa pagtataglay nito ng dalawang kahulugan, ang palayaw ng pangunahing tauhan at ang mensahe ng nobela, ang pagsasabi ng katotohanan. Binigyang-pansin din sa pananaliksik ang ilang elemento ng nobela tulad ng tauhan, simbolo at banghay. Kung ihahambing sa ibang nobela, limitado lamang ang tauhan sa nobela ngunit malinaw na naipakita ng bawat karakter ang reyalidad ng buhay. Maayos at malinaw na nailarawan ang bawat tauhan sa pamamagitan ng paglalarawang pisikal at mga diyalogo. Gumamit ng iba’t ibang simbolo sa nobela, materyal at abstrakto, nailahad nang malinaw at maayos ang banghay at naipakita ang kaugnayan ng bawat pangyayari na nagresulta sa mabilis na pag-unawa sa mensahe at nilalaman ng nobela. Ang mga mananaliksik ay bumuo ng mga bidyo kung paano maituturo ang nobelang Toto O. sa mga mag-aaral sa sekondarya. Binubuo ito ng lima na bidyo, motibasyon, panonood sa likhang-bidyo ng nobela, unang bahagi ng talakayan, ikalawang bahagi ng talakayan, ebalwasyon.

Files

64. Pagsusuring Pangnilalaman sa Nobelang Toto O. ni Charmaine Lasar.pdf

Files (107.9 kB)